Una ko siyang nakilala sa Unibersidad. Bulung-bulungan noon ang kanyang pagiging isang sikat na manunulat. Bukod sa pagiging isang magaling na manunulat, siya din ay isang makata, komposer, aktor, lider, at guro. Anim na ulit siyang nagwagi sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at pitong ulit na ginawaran ng Gawad Surian. Nakapagsulat siya ng 136 na aklat sa lahat ng antas bilang awtor at ko-awtor, mahigit na 150 tula, sanaysay at maikling kwento na naipalathala sa mga aklat, pahayagan at magasin. sumulat din siya ng dulang “Sa Mahal kong bayan” na naitanghal sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas at sa Estados Unidos.
Ganun na lamang ang aking pangamba ng malaman ko na siya ang aking magiging propesor sa Filipino. Sa panahon na aking nakasalamuha ang magiting na propesor, aking napagtanto na sa kabila ng kanyang kasikatan, hindi siya mapaghambog at walang pag-iimbot niyang itinuturo sa amin ang kanyang nalalaman. Makailang ulit din niyang iniwawasto ang aking pananalita at pagsusulat sa Filipino. Lagi niyang sinasabi sa akin na “Ang tunay na matalino ay magaling makipagtalastasan at magsulat hindi lamang sa wikang Ingles kundi maging sa Filipino”.
Nang matanggap ko ang kanyang handog na tula, makailang ulit ko itong binasa para lamang maabot ang rurok ng kagandahan at kabuluhan ng nasabing tula. At sa pamamagitan nitong aking blog, nais kong maging biyaya din sa inyo ang kahusayan ng aking guro at kaibigan, G. Pat Villafuerte.
LUPIT NG KALIKASAN
ni Pat V. Villafuerte
(1)
Lulan ng isang maliit na sasakyang-dagat
Na pinapatnubayan ng mapagpalang araw
Sa tangkilik ng isang samahang kumakalinga sa aming mga dukha
Limang dayo kaming sa pakiwari’y biniyayaan ng Maykapal
Dahil narating namin ang isang pagkaganda-gandang pulong
Di pa nababasbasan ng sangkatauhan
Di pa naaangkin ng mayayamang mamumuhunan
Di pa nalalapastangan ng mga politikong tuso at gahaman.
Ni sa panaginip, ni sa pangarap
Hindi sumagi sa aming isipan na mararating namin
Ang paraisong kinandili ng likas na yaman:
Mala-kristal na dagat
Mala-niyebeng daloy ng tubig-talon
Mala-higanteng mga puno
Matarik na burol at abot-langit na bundok
Naglalaparang mga bato’t yungib
Sa paligid, isinasayaw ng masuyong hangin
Ang nakahahalinang mga bulaklak at halaman
Habang masiglang humuhuni ng awit–paglaya ang mga ibon
Habang malayang naglilisawan ang mga galang hayop
Habang massyang sumasayaw ang mga isda’t lamang-dagat
Dahil dito,
Tugon sa isang panalangin ang aming narating
Tugon sa isang pangarap ang aming nalakbay
Tugon sa isang panaginip ang aming nakamit
Isang mala-paraisong panalangin.
Isang mala-paraisong pangarap
Isang mala-paraisong panaginip
ISANG PARAISO.
Sandali naming nalimutan ang karalitaang bumabalot
Sa aming pagkatao
Ang maruming esterong aming pinagmulan
Ang patung-patong na bubungang lata
At pira-pirasong kartong dingding
(2)
Na yumayakap sa tinatawag naming ”tahanan”
Dito kami isinilang, lumaki, nagdalaga’t nagbinata
Marami nang dito ay sumuong sa mga nagbabantang gulo at panganib
Marami nang dito ay nangagutom, nangagkasakit at nangamatay
Marami nang dito ay naalisan ng karapatan at kalayaan
Salamat sa aming paglalakbay at naibsan ang mga alalahaning
Sumusugat sa aming mga puso
Bumibiyak sa aming mga utak
Pumapatay sa aming buong pagkatao
Sa paraisong ito pala ang gagamot sa aming alinlangan
At babaybay sa aming mga naunsiyaming pangarap
Ay, salamat . . . salamat.
Sa aming pag-uwi,
Kakaibang dilim ang inilatag ni Haring Araw
Sinalubong kami ng umaalimpuyong hangin
Habang ibinabato sa amin ang malalakas na alon ng dagat
Habang binabagsakan kami ng malalaking patak ng ulan
Malalakas, walang tigil . . . tuluy-tuloy
Malalakas, walang tigil . . . tuluy-tuloy
Malalakas, walang tigil . . . tuluy-tuloy
Umaapaw ang tubig, umaakyat sa aming buong katawan
Papaakyat . . . papaakyat . . . papaakyat nang papaakyat
Tangay ng tubig-baha,
Sinasalubong kami ng samut-saring mga bagay:
Putol-putol na mga puno, pira-pirasong yero
Tambak-tambak na karton at halaman
Samut-saring basurang kinandili ng pamayanan
Magkakahawak-kamay,
Sunud-sunuran kami sa utos ng umaalimpuyong hangin
Mapa-kaliwa, mapa-kanan, mapa-Timog, mapa-silangan
”Ito na kaya ang wakas ng hiram naming buhay?”
Kahit malayo, nababanaagan ko ang lugar na aking sinilangan
Ngunit . . .
Wala na ang patung-patong na bubungang-lata
Wala na ang pira-pirasong kartong dingding
Na yumayakap sa tinawag naming ”tahanan”
Wala na rin kaya ang mga buhay na kaluluwang iniwan ko kanina?
(3)
Silang nagsabi sa akin kung paano maging mabuti at mahinahon
Silang nagmulat sa akin kung paano tanggapin ang buhay-mahirap
Silang nagturo sa akin kung paano mangarap at mangarap nang
mangarap
Huwag sana . . . Huwag sana . . .
Lalong lumakas ang hagupit ng hangin
Lalong tumaas ang tubig-dagat
Lalong dumami ang nagbabagsakang mga bagay
Ngayon, ang suamasalubong sa amin ay mga katawang
Dati’y masisigla’t nabubuhay sa pangarap:
Bata’t matanda, lalaki’t babae
Babae’t lalakii, matanda’t bata
Magkakasunod na tinatangay ng malalaking alon
Ang babad na katawang wala nang buhay
Nangakapikit, nangakalahad ang mga kamay
Wala anang buhay
Wala nang pangarap.
Ngayon, naririto kami
Sa gitna ng malupit na unos
Sa banta ng naghuhumiyaw na panganib
Sa sumpa ng nag-aalimpuyong kalikasan
May nabago ba sa pagdaraan ng mga taon?
Napigil ba ang mga unos at panganib na dumating?
Nailigtas ba ang maraming buhay na nasawi?
Palakasin ang diwa, kalabitin ang puso
Ipasagot sa ating mga nabuong pangarap
Pangarap na mananatiling pangarap.
pat villafuerte
December 22, 2012 at 10:35 pm (8 years ago)salamat sa papuri at pagpapahalaga saaking obra. maligayang pasko, audrey.
Jamilah A. Hadji Hamid
November 17, 2013 at 7:51 am (7 years ago)Hello po, May alam ba kayo sa akda ni Pat Villafuerte na “ato sa sandamagang kawalan ng malay? kailangan ko po sa filipino subject namin.
Audrey
November 18, 2013 at 1:29 am (7 years ago)Hello! Pasensya na pero hindi ako pamilyar sa akda na yan ni Prof. Pat.
Audrey
December 25, 2012 at 11:44 am (8 years ago)Wala pong anuman. Isa pong karangalan ang maging estudyante ninyo. 🙂
Seo Maknae
August 6, 2013 at 10:50 am (8 years ago)Lalala
Maria Fuentalobbos
August 6, 2013 at 10:57 am (8 years ago)Ako po si Maria Fuentalobbos..ang piyesang ito ay aking binabasa at kinakabisa dahil ako ay kasali sa Sabayang Pagbigkas..sinasabi nang iba na hindi namin makakaya dahil ang piyesang ito ay para sa mga HIGHSCHOOL lamang samantalang ako ay nasa ikalimang baitang….sana manalo kami ..Agosto 8 ang aming laban…..sana magbunga ang aming paghihirap. 🙂
Audrey
August 7, 2013 at 1:22 am (8 years ago)Nakasisigurado ako na matutuwa si Prof. Pat pag nalaman nya na ang kaniyang akda ay kinakabisa ng mga kabataang tulad mo. Kung makukuhanan mo ng video ang inyong presentasyon at maipadadala ito sa akin, maaari ko itong maipakita kay Prof. Pat pag kami ay nagkasama sa isang meeting sa Setyembre.
Jamilah A. Hadji Hamid
November 17, 2013 at 7:50 am (7 years ago)Hello po, May alam ba kayo sa akda ni Pat Villafuerte na “ato sa sandamagang kawalan ng malay? kailangan ko po sa filipino subject namin.
Audrey
November 18, 2013 at 1:30 am (7 years ago)Hello! Pasensya na pero hindi ako pamilyar sa akda na yan ni Prof. Pat.
Jamilah A. Hadji Hamid
November 21, 2013 at 10:38 am (7 years ago)saan kaya puwede makita ang mga akda ni Prof. Pat? saan siya pwde makontak?
Audrey
November 21, 2013 at 10:54 am (7 years ago)Ang alam ko out of town siya ngayon because of K-12. Babanggitin ko sa kanya pag nagkita kami.
Jamilah A. Hadji Hamid
November 21, 2013 at 11:17 am (7 years ago)Sige, Maraming Salamat po! Sana’y maipost niyo ang hinihiling kong akda dahil kailangan ko talaga sa Filipino subject this school year.
Jamilah A. Hadji Hamid
November 22, 2013 at 6:25 am (7 years ago)Sige, Maraming Salamat po! Sana’y maipost niyo ang hinihiling kong akda dahil kailangan ko talaga sa Filipino subject this school year.
evelyn
July 6, 2014 at 1:57 pm (7 years ago)san ko po pwedeng mabasa ang buong talambuhay nyo